Ang Tambayan ni Rj











Ito ay ipinadala ng isang kaibigan sa aking email kamakailan lamang.  habang binabasa ko ito, tila ba naantig ang aking puso kaya ninais kong ibahagi rin ito sa inyo..

Sulat ni Tatay at Nanay sa Atin

                 Sa aking pagtanda, unawain mo sana ako at pagpasensiyahan.

                   Kapag dala ng kalabuan ng mata ay nakabasag ako ng pinggan
                   o nakatapon ng sabaw sa hapag kainan,
                   huwag mo sana akong kagagalitan.
                   Maramdamin ang isang matanda.
                   Nagse-self-pity ako sa tuwing sinisigawan mo ako.

                   Kapag mahina na ang tenga ko at hindi ko maintindihan
                   ang sinasabi mo, huwag mo naman sana akong sabihan
                   ng “binge!” paki-ulit nalang ang
                   sinabi mo o pakisulat nalang.
                   Pasensya ka na, anak. Matanda na talaga ako.

                   Kapag mahina na ang tuhod ko, pagtiyagaan mo sana akong
                   tulungang tumayo, katulad ng pag-aalalay ko sa iyo
                   noong nag-aaral ka pa lamang lumakad.

                   Pagpasensyahan mo sana ako kung ako man ay
                   nagiging makulit at paulit-ulit na parang sirang plaka.
                   Basta pakinggan mo nalang ako.
                   Huwag mo sana akong pagtatawanan o
                   pagsasawaang pakinggan.

                   Natatandaan mo anak noong bata ka pa?
                   kapag gusto mo ng lobo, paulit-ulit mo ‘yong sasabihin,
                   maghapon kang mangungulit hangga’t
                   hindi mo nakukuha ang gusto mo.
                   Pinagtyagaan ko ang kakulitan mo.

                   Pagpasensyahan mo na rin sana ang aking amoy.
                   Amoy matanda, amoy lupa.
                   Huwag mo sana akong piliting maligo.
                   Mahina na ang katawan ko.
                   Madaling magkasakit kapag nalamigan,
                   huwag mo sana akong pandirihan.

                   Natatandaan mo noong bata ka pa?
                   pinatyagaan kitang habulin sa ilalim ng kama
                   kapag ayaw mong maligo.

                   Pagpasensyahan mo sana kung madalas,
                   ako’y masungit, dala na marahil ito ng katandaan.
                   Pagtanda mo, maiintindihan mo rin.

                   Kapag may konti kang panahon,
                   magkwentuhan naman tayo, kahit sandali lang.
                   Inip na ako sa bahay, maghapong nag-iisa.
                   Walang kausap.

                   Alam kong busy ka sa trabaho,
                   subalit nais kong malaman mo na sabik
                   na sabik na akong makakwentuhan ka,
                   kahit alam kong hindi ka interesado sa mga kwento ko.

                   Natatandaan mo anak, noong bata ka pa?
                   Pinagtyagaan kong pakinggan at intindihin
                   ang pautal-utal mong kwento tungkol sa iyong teddy bear.

                   At kapag dumating ang sandali na ako’y magkakasakit
                   at maratay sa banig ng karamdaman,
                   huwag mo sana akong pagsawaang alagaan.

                   Pagpasensyahan mo na sana kung ako
                   man ay maihi o madumi sa higaan,
                   pagtyagaan mo sana akong alagaan sa mga
                   huling sandali ng aking buhay.
                   Tutal hindi na naman ako magtatagal.

                   Kapag dumating ang sandali ng aking pagpanaw,
                   hawakan mo sana ang aking kamay
                   at bigyan mo ako ng lakas ng loob
                   na harapin ang kamatayan.

                   At huwag kang mag-alala,
                   kapag kaharap ko na ang Diyos na lumikha,
                   ibubulong ko sa kanya na pagpalain ka sana …
                   dahil naging mapagmahal ka sa iyong ama’t ina…

                Written by Rev. Fr. Ariel F. Robles
                   CWL Spiritual Director
                    St. Augustine Parish
                    Baliuag, Bulacan



{Pebrero 17, 2008}   Linggo Ngayon..

Ang takbo ng buhay ko ngayon medyo “monotonous”. Paulit-ulit lang halos ang ginagawa ko sa araw-araw. Mula Lunes hanggang Biyernes ako ay bumiibyahe ng halos pitong kilometro para pumasok sa bangko kung saan ako nagtratrabaho. Halos walong oras din ako, minsan sobra pa,ang inilalagi ko sa loob ng bangko(dahil yun naman talaga ang working hours ko). May dagdag pang isang oras dahil doon na rin ako sa loob nanananghalian, minsan wala nang kainan. Pagkatapos non uuwi, minsan diretso tulog na.

Kapag Sabado, yan naman ang todo pahinga ko. Minsan ayoko nang matapos yon. Pero syempre kapag sumisikat ang araw lulubog din yon(aaayyy syempre naman kaya) para magbigay daan sa araw ng Linggo(tulad ngayon). Wala naman akong trabaho kapag kapag linggo. Gawaing bahay lang. Tiga-laba, Tiga-luto, dati noong nag-aaral pa ako isama mo na ang tiga-linis ng bahay. Pero syempre ngayon hindi na. hahahaha…may kasama na ako na napakiusapan kong maglinis para sa akin, for a fee syempre(na ako na ngayon ang nagbabayad). Hayan, at dahil nga Linggo ngayon e kasalukuyan akong naglalaba. Mamaya -maya lang mababawasan na naman ang bulsa ko konti dahil ibibigay ko sa kasama namin. HIndi bale, ok lang basta hindi na ako ang maglinis at baka lalo akong hindi gumaling sa hika ko.

Sa totoo lang isa rin ito sa mga araw na parang ayaw kong matapos. Kahit na kamo meron akong mga ginagawa e ok lang yon. Hindi naman sa tamad akong pumasok sa trabaho ko, dahil sa totoo lang hindi naman ako mabubuhay kung di ako magtratrabaho. Sabihin na lang natin na medyo naghahanap ako ng konting “bago” sa buhay ko. Bigla kong narealize na marami pa siguro akong gustong gawin sa buhay ko at sa ngayon hindi ako sigurado kung gusto kong magtrabaho sa bangko hanggang sa pagtanda ko. Kahit na sabihin natin na next in line na nga ako para maging supervisor, parang gusto ko nang umatras. Wala naman ako masyadong reklamo kundi ang karaniwang benepisyo lang na mag-leave at maipahayag ang alam kong tama. Mahirap nga ang maging rank and file..ngunit mas magiging mahirap kung magiging bisor ka ngunit hindi naman makapagsalita. Hanggang ngayon pilit kong kinukumbinsi ang sarili ko na kaya ko pa…abangan na lang natin..pero sa ngayon ayokong matapos ang araw na ito dahil ayokong pumasok bukas…..



{Pebrero 10, 2008}   Isang nakakatamad na post..

Kelan ba ako huling nag-post dito? Palagay ko matagal-tagal na rin. Sa ngayon mas nadadalas ata akong dumalaw dun sa kabila kong bahay. Tila ata bahay bakasyunan ko ang blog na ito at minsan nadadaan na lamang ako kapag gusto kong magmuni-muni. Sa totoo lang hindi ko alam kung ano ang isusulat ko ngayon. Kani-kanina lamang inisip kong i-post dito ang mga awards na ibinigay sa akin ng mga kaibigan na bloggers, ngunit nagbago ang isip ko. Paano kasi hindi rin ito madalas dalawin marahil dahil hindi ako masyadong nagsusulat dito. Basahin ang karugtong nitong lahok »



at iba pa